Talaga bang Patay na ang Patay?
Leksyon 10
Ang kamatayan ay maaaring isa sa mga hindi naiintindihan na paksa ngayon. Para sa marami, ang kamatayan ay nababalot ng misteryo at pumupukaw ng pangamba, kawalan ng katiyakan, at kawalan ng pag-asa. Ang iba ay naniniwala na ang kanilang namatay na mga mahal sa buhay ay hindi pa patay, ngunit sa halip ay naninirahan kasama nila o nasa ibang dako. Milyun-milyon ang nalilito tungkol sa ugnayan sa pagitan ng katawan, espiritu, at kaluluwa. Ngunit mahalaga ba kung ano ang paniniwalaan mo? Oo naman! Ang paniniwala mo tungkol sa mga patay ay magkakaroon ng malalim na epekto sa kung ano ang mangyayari sa iyo sa malapit na hinaharap. Walang puwang sa panghuhula! Ang Gabay sa Pag-aaral na ito ay magbibigay sa iyo ng eksaktong sinasabi ng Dios tungkol sa paksang ito. Maghanda para sa isang tunay na pagsisiwalat!
1. Paano nga ba napunta ang mga tao rito?
"At nilalang ng Panginoong Diyos ang tao mula sa alabok ng lupa, at hiningahan ang mga butas ng kanyang ilong ng hininga ng buhay; at ang tao ay naging buháy na kaluluwa" (Genesis 2:7).
Sagot: Ginawa tayo ng Dios mula sa alabok nang pasimula.
2. Ano ang mangyayari kapag ang isang tao ay namatay?
"At ang alabok ay bumalik sa lupa na gaya nang una, at ang espiritu ay bumalik sa Dios na nagbigay nito" (Eclesiastes 12:7).
Sagot: Ang katawan ay magiging alabok muli, at ang espiritu ay babalik sa Dios, na nagbigay nito. Ang espiritu ng bawat tao na namatay - maligtas man o hindi maliligtas - ay babalik sa Dios kapag namatay.
3. Ano ang "espiritu" na bumabalik sa Dios kapag namatay?
"Ang katawan na walang espiritu ay patay" (Santiago 2:26).
"Ang espiritu ng Diyos ay nasa mga butas ng aking ilong" (Job 27:3).
Sagot: Ang espiritu na bumalik sa Dios sa kamatayan ay ang hininga ng buhay. Wala saanman sa lahat ng aklat ng Dios na ang "espiritu" ay mayroong anumang buhay, karunungan, o pakiramdam pagkatapos mamatay ang isang tao. Ito ang "hininga ng buhay" at wala nang iba.
4. Ano ang "kaluluwa"?
"At nilalang ng Panginoong Dios ang tao mula sa alabok ng lupa, at hiningahan ang mga butas ng kanyang ilong ng hininga ng buhay; at ang tao ay naging buháy na kaluluwa" (Genesis 2:27).
Sagot: Ang isang kaluluwa ay isang nabubuhay na nilalang. Ang isang kaluluwa ay palaging isang kumbinasyon ng dalawang bagay: katawan at hininga. Ang isang kaluluwa ay hindi maaaring umiral maliban kung ang katawan at hininga ay pinagsama. Itinuturo ng Salita ng Dios na tayo ay mga kaluluwa - hindi na mayroon tayong mga kaluluwa.
5. Namamatay ba ang kaluluwa?
"Ang kaluluwa na nagkakasala, mamamatay" (Ezekiel 18:20 KJV).
"Bawa't kaluluwang may buhay, sa makatuwid ay ang nangasa dagat ay nangamatay" (Apocalipsis 16:3 KJV).
Sagot: Ayon sa Salita ng Dios, ang mga kaluluwa ay namamatay! Tayo ay mga kaluluwa, at ang mga kaluluwa ay namamatay. Ang tao ay mortal (Job 4:17). Ang Dios lamang ang walang kamatayan (1 Timoteo 6:15, 16). Ang konsepto ng isang walang kamatayan, imortal na kaluluwa ay hindi matatagpuan sa Biblia, na nagtuturo na ang mga kaluluwa ay napapailalim sa kamatayan.
6. Ang mabubuting tao ba ay pupunta sa langit kapag sila ay namatay?
"Lahat ng nasa libingan ay makakarinig ng kanyang tinig at magsisilabas" (Juan 5:28 29).
"Si David ...ay namatay at inilibing, at nasa atin ang kanyang libingan hanggang sa araw na ito. ...Sapagkat hindi umakyat si David sa mga langit" (Gawa 2:29, 34).
"Kung aking hanapin ang Sheol na parang aking bahay" (Job 17:13).
Sagot: Hindi. Ang mga tao ay hindi pumupunta sa langit o sa impiyerno kapag namatay. Hindi sila pumupunta kahit saan - ngunit naghihintay sila sa kanilang libingan para sa muling pagkabuhay.
7. Gaano karami ang nalalaman o naiintindihan ng taong namatay?
"Sapagkat nalalaman ng mga buháy na sila'y mamamatay, ngunit hindi nalalaman ng patay ang anumang bagay, at wala na silang gantimpala; sapagkat ang alaala nila ay nakalimutan na. Ang kanilang pag-ibig, pagkapoot, at ang pagkainggit ay nawala na, wala na silang anumang bahagi pa magpakailanman sa anumang bagay na nagawa sa ilalim ng araw. ...walang gawa, kaisipan, kaalaman, ni karunungan man sa Sheol, na iyong patutunguhan" (Eclesiastes 9:5, 6, 10).
"Ang patay ay hindi pumupuri sa Panginoon" (Mga Awit 115:17).
Sagot: Sinasabi ng Dios na ang mga patay ay wala ng nalalaman na kahit ano.
8. Ngunit hindi ba ang mga patay ay nakikipag-usap sa mga buhay, at hindi ba nila alam ang ginagawa ng mga buhay?
"Gayon ang tao ay humihiga at hindi na bumabangon; hanggang sa ang langit ay mawala, siya'y hindi na muling magigising, ni mapupukaw man sa kanilang pagkakatulog. Ang kanyang mga anak ay nagkaroon ng karangalan, at hindi niya nalalaman; sila'y ibinababa, ngunit hindi niya iyon nahahalata" (Job 14:12, 21).
"Wala na silang anumang bahagi pa magpakailanman sa anumang bagay na nagawa sa ilalim ng araw" (Eclesiastes 9:6).
Sagot: Hindi. Hindi maaaring makipag-ugnay ang mga patay sa mga nabubuhay, o hindi nila alam kung ano ang ginagawa ng mga buhay. Patay na sila. Ang kanilang mga iniisip ay nawala na.
9. Tinawag ni Jesus ang walang malay na estado ng mga patay na "pagtulog" sa Juan 11:11–14. Hanggang kailan sila matutulog?
"Gayon ang tao ay humihiga at hindi na bumabangon; hanggang sa ang langit ay mawala" (Job 14:12).
"Darating ang araw ng Panginoon ...at ang kalangitan ay maglalaho" (2 Pedro 3:10).
Sagot: Ang mga patay ay matutulog hanggang sa dakilang araw ng Panginoon sa pagtatapos ng mundo. Sa kamatayan, ang mga tao ay ganap na walang malay, na walang aktibidad o kaalaman ng kahit anumang bagay.
10. Ano ang mangyayari sa matuwid na namatay sa ikalawang pagparito ni Cristo?
"Ako'y malapit nang dumating at dala Ko ang Aking gantimpala, upang gantihan ang bawat isa ayon sa kanyang ginawa" (Apocalipsis 22:12).
"Sapagkat ang Panginoon mismo ang bababa mula sa langit na may sigaw ...at ang mga namatay kay Cristo ay babangon muna ...at sa gayon ay makakapiling natin ang Panginoon" (1 Tesalonica 4:16, 17).
"Tayong lahat ay babaguhin, sa isang saglit, sa isang kisap-mata ...ang mga patay ay mabubuhay na walang pagkasira. ...Sapagkat kailangan na itong may pagkasira ay magbihis ng walang pagkasira, at itong may kamatayan ay magbihis ng walang kamatayan" (1 Corinto 15:51–53).
Sagot: Gagantimpalaan sila. Ibabangon sila, bibigyan ng mga walang kamatayang katawan, at itataas upang salubungin ang Panginoon sa himpapawid. Walang layunin sa muling pagkabuhay kung ang mga tao ay dadalhin sa langit kapag namatay.
11. Ano ang unang kasinungalingan ng diablo sa Lupa?
"Subalit sinabi ng ahas sa babae, “Tiyak na hindi kayo mamamatay" (Genesis 3:4).
"Ang matandang ahas, ang tinatawag na Diablo at Satanas" (Apocalipsis 12:9).
Sagot: Hindi ka mamamatay.
12. Bakit nagsinungaling ang demonyo kay Eba tungkol sa kamatayan? Maaari bang maging mas mahalaga ang paksang ito kaysa sa iniisip natin?
Sagot: Ang kasinungalingan ng diablo na hindi tayo mamamatay ay isa sa mga sentro ng kanyang mga aral. Sa loob ng libu-libong taon, gumawa siya ng malakas, mapanlinlang na himala upang linlangin ang mga tao sa pag-aakalang tumatanggap sila ng mga mensahe mula sa mga espiritu ng patay. (Mga halimbawa: Mga Mago ng Ehipto - Exodo 7:11; Babae ng Endor - 1 Samuel 28: 3-25; Mga Salamangkero - Daniel 2:2; Isang babaeng alipin - Gawa 16:16–18.)
Isang Mahalagang Babala
Sa malapit na hinaharap, gagamitin muli ni Satanas ang panggagaway - tulad ng ginawa niya sa araw ni propetang Daniel - upang linlangin ang sanlibutan (Apocalipsis 18:23). Ang Panggagaway ay isang supernatural na ahensya na nagsasabing tumatanggap ng kanyang kapangyarihan at karunungan mula sa mga espiritu ng namatay.
Nagkukunwaring alagad ni Jesus
Magkukunwari bilang mga maka-Diyos na mahal sa buhay na namatay, mga banal na klerigo na ngayon ay patay na, mga propeta sa Biblia, o kahit na ang mga apostol ni Cristo (2 Corinto 11:13), niloloko ni Satanas at ng kanyang mga anghel ang bilyun-bilyon. Ang mga naniniwala sa mga patay ay buhay, sa anumang anyo, ay maloloko.
13. Gumagawa ba talaga ng himala ang mga demonyo?
"Sila'y mga espiritu ng mga demonyo na gumagawa ng mga tanda" (Apocalipsis 16:14).
"Sapagkat lilitaw ang mga bulaang Cristo at ang mga bulaang propeta, at magpapakita ng mga dakilang tanda at mga kababalaghan, anupa't ililigaw, kung maaari, pati ang mga hinirang" (Mateo 24:24).
Sagot: Oo, naman! Gumagawa ang mga diablo ng hindi kapani-paniwala na mga himala (Apocalipsis 13:13, 14). Si satanas ay magpapanggap bilang isang anghel ng liwanag (2 Corinto 11:14) at, mas nakakagulat, bilang si Cristo mismo (Mateo 24:23, 24). Ang pangkalahatang kaisipan ay si Cristo at ang Kanyang mga anghel ay mangunguna sa isang kamangha-manghang muling pagbuhay sa buong mundo. Ang buong diin ay mukhang napaka-espiritwal at napaka-supernatural na ang mga hinirang lamang ng Dios ang hindi malilinlang.
14. Bakit hindi malilinlang ang bayan ng Dios?
"Tinanggap nila ang salita ng buong pananabik na sinisiyasat araw-araw ang mga kasulatan kung tunay nga ang mga bagay na ito" (Gawa 17:11).
"Kung hindi sila nagsasalita nang ayon sa salitang ito ay sa dahilang wala silang umaga" (Isaias 8:20).
Sagot: Malalaman ng bayan ng Dios mula sa kanilang pag-aaral ng Kanyang aklat na ang mga patay ay patay na, at hindi buhay. Malalaman nila na ang isang "espiritu" na nag-aangkin na isang namatay na mahal sa buhay ay isang diablo! Tatanggihan ng bayan ng Dios ang lahat ng mga turo at manggagawa ng himala na nag-aangking tumatanggap ng espesyal na "liwanag" o gumagawa ng mga himala sa pamamagitan ng pakikipag-ugnay sa mga espiritu ng patay. At ang bayan ng Dios ay tatanggihan din bilang mapanganib at hindi totoo ang lahat ng mga aral na nagsasabing ang mga patay ay buhay sa anumang anyo, saanmang dako.
15. Noong araw ni Moises, ano ang ipinag-utos ng Dios na dapat gawin sa mga taong nagtuturo na ang mga patay ay buhay?
"Ang isang lalaki o ang isang babae na sumasangguni sa masasamang espiritu, ...ay tiyak na papatayin. Sila'y babatuhin hanggang mamatay" (Levitico 20:27).
Sagot: Iginiit ng Dios na ang mga medium at iba pa na may mga "pamilyar na espiritu" (na inaangkin na maaaring makipag-ugnay sa mga patay) ay dapat batuhin hanggang mamatay. Ipinapakita nito kung paano tinututulan ng Dios ang maling aral na ang mga patay ay buhay.
16. Mamamatay bang muli ang mga matuwid na taong nabuhay sa pagkabuhay na mag uli?
"Subalit ang mga itinuturing na karapat-dapat makaabot sa panahong iyon at sa muling pagkabuhay mula sa mga patay ... Hindi na sila mamamatay pa" (Lucas 20:35, 36).
"At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na rin magkakaroon pa ng pagdadalamhati, o ng pagtangis man, o ng kirot man, sapagkat ang mga unang bagay ay lumipas na" (Apocalipsis 20:4).
Sagot: Hindi! Ang kamatayan, kalungkutan, pag-iyak, at trahedya ay hindi makapapasok sa bagong kaharian ng Dios. "Kapag itong may pagkasira ay mabihisan ng walang pagkasira at itong may kamatayan ay mabihisan ng walang kamatayan, ay mangyayari ang salitang nasusulat,“Ang kamatayan ay nilamon sa pagtatagumpay.'" (1 Corinto 15:54).
17. Ang paniniwala sa reinkarnasyon ay mabilis na lumalawak ngayon. Biblikal ba ang katuruang ito?
"Sapagkat nalalaman ng mga buháy na sila'y mamamatay, ngunit hindi nalalaman ng patay ang anumang bagay ...wala na silang anumang bahagi pa magpakailanman sa anumang bagay na nagawa sa ilalim ng araw" (Eclesiastes 9:5, 6).
Sagot: Halos kalahati ng mga tao sa mundo ang naniniwala sa muling pagkakatawang-tao (reincarnation), isang katuruan na ang kaluluwa ay hindi kailanman mamamatay ngunit sa halip ay patuloy na isinisilang muli sa iba't ibang uri ng katawan sa bawat susunod na henerasyon. Ang katuruang ito, gayunpaman, ay salungat sa Banal na Kasulatan
Ang Sinasabi ng Biblia
Pagkatapos ng kamatayan ang isang tao: babalik sa alikabok (Awit 104:29), walang nalalaman (Eclesiastes 9: 5), walang taglay na mga
kapangyarihang pangkaisipan (Awit 146:4), walang kinalaman sa anupaman sa mundo (Eclesiastes 9:6), ay hindi nabubuhay (2 Hari 20:1), naghihintay sa libingan (Job 17:13), at hindi magpapatuloy (Job 14:1, 2).
Imbensyon ni Satanas
Nalaman natin sa mga katanungan 11 at 12 na naimbento ni Satanas ang katuruang ang mga patay ay buhay. Ang muling pagkakatawang-tao, paghahatid, pakikipag-usap sa mga espiritu, pagsamba sa espiritu, at ang "walang kamatayang kaluluwa" ay pawang mga imbensyon ni Satanas, na may isang layunin na kumbinsihin ang mga tao na kapag namatay ka hindi ka talaga patay. Kapag ang mga tao ay naniniwala na ang mga patay ay buhay, " mga espiritu ng mga demonyo na gumagawa ng mga tanda" (Apocalipsis 16:14) at nagpapanggap bilang mga espiritu ng mga patay ay maaaring linlangin at akayin sila ng halos lahat ng pagkakataon (Mateo 24:24).
18. Nagpapasalamat ka ba sa Biblia, na nagsasabi sa atin ng katotohanan sa sensitibong paksa na ito ng kamatayan?
Sagot:
Mga Palaisipang Katanungan
1. Hindi ba ang magnanakaw sa krus ay nagpunta sa paraiso kasama si Kristo sa araw na Siya ay namatay?
Hindi. Sa katunayan, noong Linggo ng umaga sinabi ni Jesus kay Maria, "Hindi pa Ako nakakaakyat sa Ama" (Juan 20:17). Ipinapakita nito na si Cristo ay hindi pumunta sa langit nang mamatay. Mahalagang tandaan na ang bantas na nakikita natin sa Biblia ngayon ay hindi orihinal, ngunit idinagdag ng mga tagasalin ilang daang siglo ang nakalipas. Ang kuwit sa Lucas 23:43 ay mas mahusay na mailagay pagkatapos ng salitang "ngayon" kaysa bago ang salita, nang sa gayon ang talata ay mabasa, "Tiyak, sinasabi ko sa iyo ngayon, makakasama mo Ako sa Paraiso." Ang isa pang paraan upang mailagay ang talatang ito na may katuturan sa agarang konteksto ay: "Sinasabi Ko sa iyo ngayon - kung tila wala akong mailigtas na sinuman, kapag Ako mismo ay ipinako sa krus bilang isang kriminal - binibigyan kita ng katiyakan ngayon na makakasama mo Ako sa Paraiso. " Ang kaharian ng kaluwalhatian ni Cristo ay maitatakda sa Kanyang ikalawang pagparito (Mateo 25:31), at ang mga matuwid sa lahat ng panahon ay papasok dito sa oras na iyon (1 Tesalonica 4: 15–17) at hindi sa kamatayan.
2. Hindi ba binabanggit ng Bibliya ang "walang kamatayan," "imortal" na kaluluwa?
Hindi. Ang walang kamatayan, imortal na kaluluwa ay hindi nabanggit sa Biblia. Ang salitang "walang kamatayan" ay matatagpuan lamang ng isang beses sa Biblia, at ito ay tumutukoy sa Dios (1 Timoteo 1:17).
3. Sa kamatayan, ang katawan ay babalik sa alikabok at ang espiritu (o hininga) ay babalik sa Diyos. Ngunit saan pupunta ang kaluluwa?
Wala itong pinupuntahan. Sa halip, tumigil lamang ito sa pag iral. Dalawang bagay ang dapat pagsamahin upang makagawa ng isang kaluluwa: katawan at hininga. Kapag naalis ang hininga, nawawala ang kaluluwa dahil ito ay isang kombinasyon ng dalawang bagay. Kapag pinatay mo ang isang ilaw, saan pupunta ang ilaw? Hindi ito pupunta kahit saan. Natigil lang ito sa pag-iral. Dalawang bagay ang dapat pagsamahin upang makagawa ng isang ilaw: isang bombilya at elektrisidad. Kung walang kumbinasyon, ang ilaw ay imposible . Kaya sa kaluluwa; maliban kung ang katawan at hininga ay pinagsama, ay walang kaluluwa. Walang ganoong bagay tulad ng isang "humiwalay na kaluluwa."
4. Ang salitang "kaluluwa" ba ay may iba pang kahulugan maliban sa isang nabubuhay na nilalang?
Oo Maaaring nangangahulugan din ito ng (1) buhay mismo, o (2) ang isip, o talino. Anumang pakahulugan ang nais nitong sabihin, ang kaluluwa ay ang pinagsama pa ring dalawang bagay (katawan at hininga), at ito
tumitigil sa pag-iral sa kamatayan.
5. Maaari mo bang ipaliwanag ang Juan 11:26: "Ang bawat nabubuhay at sumasampalataya sa Akin ay hindi mamamatay magpakailanman"?
Hindi ito tumutukoy sa unang kamatayan, na kung saan ang lahat ng mga tao ay namamatay (Hebreo 9:27), ngunit sa pangalawang kamatayan, na ang masasama lamang ang namamatay at kung saan walang pagkabuhay na mag-uli (Apocalipsis 2:11; 21: 8).
6. Sinasabi ng Mateo 10:28, "At huwag ninyong katakutan ang mga pumapatay ng katawan, ngunit hindi nakakapatay ng kaluluwa" Hindi ba ito nagpapatunay na ang kaluluwa ay hindi namamatay?
Hindi. Pinapatunayan nito ang kabaligtaran. Ang huling talata ng parehong talata ay nagpapatunay na ang mga kaluluwa ay namamatay. Sinasabi nito, "Kundi katakutan ninyo siyang makakapuksa ng kaluluwa at ng katawan sa impiyerno" Ang salitang "kaluluwa" dito ay nangangahulugang buhay at tumutukoy sa buhay na walang hanggan, na isang regalo (Roma 6:23) na ibibigay sa matuwid sa huling araw (Juan 6:54). Walang sinuman ang maaaring kumuha ng walang hanggang buhay na iginawad ng Dios. (Tingnan din ang Lucas 12: 4, 5.)
7. Hindi ba sinasabi ng 1 Pedro 4:6 na ang ebanghelyo ay ipinangaral sa mga patay na tao?
Hindi. Sinasabi nito na ang ebanghelyo "ay ipinangaral" sa mga "patay". Patay na sila ngayon, ngunit ang ebanghelyo "ay" ipinangaral sa kanila habang sila ay nabubuhay pa.
Watch sermon video of Pastor Dough Batchelor